California, USA — Eksaktong dalawang linggo na lang ang hinihintay at tuloy na tuloy na nga ang pinakahihintay na tapatang Pacquiao – Thurman sa ika-20 ng Hulyo, 2019, sa MGM Grand sa Las Vegas.

Ngunit sa nalalapit na labanan ng dalawa, patuloy pa rin ang pang-aasar o pangtatrashtalk ng American boxer na si Keith “One Time” Thurman kay Manny “Pacman” Pacquiao. 

Isa na nga rito ay ang Instagram Live ni Thurman na patuloy ang pambabatikos sa Pambansang Kamao na nagpapahayag na malapit na ang pagreretiro ng huli matapos niya itong talunin sa kanilang nalalapit na bakbakan.

Bukod pa dito, inilarawan niya pa ang kanyang magiging laban sa boksingerong senador bilang “easy work.”

Hindi lamang dito nagtatapos ang pang-aasar ng wala pang talo na si Thurman dahil makailang ulit na rin itong nagpahayag ng pang-ta-trashtalk.

Hirit pa ng trenta anyos na boksingero, mas pinaghahandaan at mas inaabangan pa niya ang kanyang magiging laban kay Errol Spence matapos ang kanyang laban sa eight – division world champion na si Pacquiao.

Matatandaang paulit-ulit nang nagkibit-balikat si Pacman sa mga pasaring ni Thurman ngunit nitong huli, ilang reports ang lumabas na naiinis na rin si Pacquiao sa mga hirit at maaanghang na salita ni Thurman.

Nangako naman ang Pambansang Kamao na patatahimikin nito ang maangas na si Thurman at tatalunin niya ito sa kanilang nalalapit na laban.

Leave A Reply

Please enter your comment!
Please enter your name here